Ano ang tunay na paniniwala ng mga Katoliko! (Ikalawang Bahagi)

 Maraming mga hindi Katoliko ang mayroong napakaraming alamat at maling akala tungkol sa tunay na paniniwala ng mga Katoliko. Ang artikulong ito ay ang ikalawang bahagi. Kung hindi mo pa nababasa ang unang bahagi, maaari mo itong makita DITO:

 

Paniniwala #7: Ang pagbibigay ni Hesus ng biyaya sa pamamagitan ng mga sakramento 

 Naniniwala tayo na nagbibigay si Hesus ng biyaya sa maraming paraan, sa isang natatanging paraan sa pamamagitan ng mga sakramento: Binyag, Eukaristiya, Kumpil, at pagkakasundo. Ang mga sakramento sa simbahang katoliko ay nakikitang mga palatandaan ng isang di-nakikitang katotohanan; ang di-nakikitang katotohanan ay ang presensya ng Diyos sa ating buhay na nagbibigay sa atin ng kanyang biyaya. Ang iba pang tatlong sakramento ay ang sakramento ng kasal, pagpapahid ng langis sa may sakit, at banal na orden.

Sinasabi sa Marcos 16:16, na ang sumasampalataya at mabinyagan ay maliligtas. Sinasalamin ng Juan 3:5 kung paano tayo dapat ipanganak muli sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, na tumutukoy sa binyag, upang makapasok sa kaharian ng langit. Kaya’t ang mga sakramento ay hindi lamang mga ritwal na idinaragdag natin upang makarating sa langit. Ito ay mga utos na ibinigay sa atin ni Kristo, at ang mga Katoliko ay sumusunod sa mga bagay na kanyang inilatag. Nagbigay kami ng mga patunay sa Bibliya para sa bawat sakramento sa iba pa naming mga artikulo o mga videos sa aming YouTube channel. Sapagkat ang lahat ng pinaniniwalaan ng mga Katoliko ay nagmumula kay Kristo, at ang mga paniniwalang ito ay matatagpuan sa Banal na Kasulatan sa isang malinaw o hindi malinaw na paraan.

 

Paniniwala #8: Banal na kasulatan at banal na tradisyon 

 Naniniwala din tayo na ang tradisyong Katoliko na ipinasa sa pamamagitan ng awtoridad ng pagtuturo ng magisterio ng simbahan, kasabay ng Bibliya, ay mahalaga at kinakailangan. Ito ay isang malaking pagkakaiba sa mga Protestante na sumusunod lamang sa Bibliya. Maraming mga salungatan, paglihis, at pag-unlad ng maraming bagong denominasyon ay naging pamantayan sa Protestantismo dahil ang mga Protestante ay walang sentrong awtoridad sa pagtuturo kundi mga personal na interpretasyon lamang ng Bibliya.

Binigyan ni Kristo ng awtoridad sa pagtuturo ang kanyang simbahan. Marami pang mga bagay ang hindi naisulat sa Bibliya. Marami nang mga bagay ang naitatag sa loob ng 400 na taon bago isinulat ang Bibliya ng Simbahang Katoliko. Kaya, naniniwala kami na ito ay isang deposito ng pananampalataya na ibinigay sa amin ng kabuuan ng Tradisyon at hindi lamang ang bahagi na nakasulat sa banal na kasulatan.

Sa katunayan, ang banal na Tradisyon na ibinigay sa amin ng mga apostol ay tumutulong sa atin na maunawaan at maipaliwanag ang mga kasulatan ng tama. Ang magisterio ng simbahan ang may awtoridad mula kay Kristo na bigyang-kahulugan ng tama ang Bibliya. Ito rin ang parehong awtoridad na ginamit ng Simbahang Katoliko upang gawing hindi nagkakamali ang Bibliya sa simula pa lamang.

May mga tao na mali ang iniisip na ang mga Katoliko ay mas pinapahalagahan ang Tradisyon kaysa sa Bibliya. Ang tradisyon, sa isang diwa, ay isang tagapaglingkod sa Bibliya. Sa ilang diwa, ito ay medyo mababa kumpara sa Bibliya dahil ang Bibliya ay salita ng Diyos, ngunit tinutulungan tayo nitong maunawaan kung ano talaga ang nahayag sa banal na kasulatan.

Matatagpuan natin ang kahalagahan ng Tradisyon sa mga talata tulad ng 2 Tesalonica 2:15, kung saan sinasabi ni Pablo na dapat nating panghawakan ang mga tradisyon na kanyang ipinasa. Kaya, sa kabuuan, kinikilala ng mga Katoliko na ang mga kasulatan ay salita ng Diyos. Sila ay walang kamalian mula simula hanggang wakas. Ngunit kailangan din nila ang tradisyon na nauna sa mga banal na kasulatan upang kapupunan ang nakasulat na salita.

 

Paniniwala #9: Nagsimula si Hesus ng isang simbahan na may awtoridad, hindi isang Bibliya.

Naniniwala rin kami na sinimulan ni Hesus ang Simbahang Katoliko sa batong si Pedro sa Mateo 16:18-19.“Ikaw ay si Pedro, at sa batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi magwawagi laban dito.” Ang “Bato” ay talagang pangalan ni Pedro. Literal na binago niya ang pangalan ni Pedro sa bato.

At pagkatapos, binigyan lamang ni Hesus si Pedro, sa isahang anyo sa Griyego, ng mga susi ng kaharian ng langit. Ngayon, ang iba pang mga apostol ay tumanggap ng katulad na kapangyarihan sa ibang mga talata, tulad sa Lucas 10:16, Mateo 18:15-18, Mateo 28:19, at Juan 20:21-23, ngunit tanging si Pedro lamang ang tumanggap ng mga susi ng kaharian, kaya siya ay may primasiya at pangunahing awtoridad.

Kaya, naniniwala kami na si Hesus ay nagtatag ng isang simbahan na may kapangyarihan sa pagtuturo at pangangaral. Hindi niya itinatag ang isang simbahan batay sa Bibliya. Hindi niya ito ginawa dahil wala din namang makakabasa. Karamihan sa mundo ay hindi pa din marunong bumasa hanggang sa makabagong panahon. At sa katunayan, wala pang Bibliya hanggang taong 400 nang gumawa ang Simbahang Katoliko ang kauna-unahang Bibliya.

Idinadagdag din na umaabot ng tatlong taon upang kopyahin ang isang buong Bibliya. Kaya, ang mga Bibliya ay napakabihira sa loob ng maraming siglo. At kahit pagkatapos noon, ang mga ito ay sadyang napakamahal at karamihan sa mga tao ay hindi ito kayang bilhin.

Higit pa rito, ang Simbahang Katoliko ay likas na hierarchical o nakaayos ayon sa antas ng kahalagahan ng mga tao o mga bagay, o kaugnay sa gayong sistema. Bagaman naniniwala kami na ang mga tao ni Kristo ang bumubuo sa simbahan at ang simbahan ay katawan ni Kristo, ngunit gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang estruktura ng simbahan ay binubuo ng mga obispo, pari, at diakono.

Ito ang tatlong tungkulin na binanggit sa mga kasulatan, at anumang simbahan na wala ng tatlong tungkuling ito ay hindi totoong simbahan. Ang mga tungkuling ito ay kumakatawan sa ipinasan na awtoridad ni Kristo. Gaya ng binanggit sa bibliya, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, ang awtoridad na ito ay ipinasa mula kay Kristo sa mga apostol sa mga obispo, at iba pa. Ang Simbahang Katoliko ay isang nakikita at hindi nakikitang organisasyon. Ito ay nakikita sa pamamagitan ng mga apostol. Ang mga obispo, mga pari, at diakono ay isang punto ng nakikitang sanggunian. Kapag may mga problema, alitan, o hindi pagkakaunawaan, ang nakikitang awtoridad sa tatlong opisina ay napakahalaga.

 

Paniniwala #10: Ang Santo Papa

Naniniwala tayo na ang Papa ay isang Obispo. Siya ay Obispo ng Roma at may espesyal na primasiya dahil tulad ng nabanggit, si Pedro lamang, at ang kanyang mga kahalili, ang tumanggap ng mga susi ng kaharian ng langit. Ang pagtanggap ng “mga susi” ay nabanggit sa Isaias 22: Sinumang tumanggap ng susi, ay tumatanggap ng isang katungkulan ng espesyal na primasiya at ng espesyal na awtoridad, na wala ang lahat ng ibang awtoridad sa lupa. Kaya, tinanggap ni Pedro ang espesyal na awtoridad na ito, at iyan ang dahilan kung bakit naniniwala tayo na ang Papa ang pinuno ng simbahan at ang kanyang opisina ay may kasamang tiyak na walang pagkakamali.

Gayunpaman, ang Papa ay walang pagkakamali lamang sa mga isyu tungkol sa pananampalataya at moralidad. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang kawalang pagkakamali ng papa ay ganap at hindi nila alam na hindi madalas gumawa ng mga pahayag na walang pagkakamali ang papa. Hindi siya maaaring magturo tungkol sa mga bagay tulad ng agham o matematika, at maaari rin siyang magkamali tulad ng iba. Sa katunayan, ang papa ay maaaring magsalita sa isang malawak na hanay ng mga bagay, mula sa kanyang mga pananaw hanggang sa kanyang walang pagkakamali na mga katuruan, at anuman ang nasa pagitan. Kaya, kailangan nating patuloy na suriin ang bawat pahayag ng papa.

 

Paniniwala #11: Langit, Purgatoryo at Impiyerno 

Bilang mga Katoliko, naniniwala tayo sa langit at sa impiyerno na walang hanggan. Mismong sinabi ni Hesus sa Mateo 7 na may dalawang daan, ang isa ay patungo sa langit at mahirap itong matagpuan at lakbayin. Karamihan sa mga tao ay hindi ito natatagpuan, samantalang ang daan patungo sa impiyerno ay madali at malawak ang nilalakaran.

Kung tayo ay naniniwala at sumusunod kay Hesukristo, tayo ay maaaring maligtas. Patatawarin ni Hesus ang sinuman sa anumang kasalanan, kahit kailan, kahit saan. Nais ng Diyos na dalhin tayong lahat sa langit na isang walang hanggan na kaligayahan, walang hanggan na kasiyahan, at walang hanggan na relasyon sa Diyos. Ngunit naniniwala rin tayo sa walang hanggang kapahamakan na isang walang katapusang pagpili ng pagtanggi sa Diyos. Ito ang kapalaran ng mga tao na, sa kanilang mga pagpili sa buhay, ay pumipili ng kasamaan at di pagkilala sa Diyos. Gayunpaman, napakahalagang bigyang-diin na tayo ay maaaring mapatawad tuwing tayo ay malayang pumipili na hanapin ang kapatawarang ito dahil sa ginawa ni Hesus sa krus.

Gayun din naman, naniniwala rin tayo sa purgatoryo, na isinulat namin sa mga nakaraang artikulo. Sa kabuuan, ito ay isang espiritwal na lugar kung saan hindi ka pa ganap na perpekto upang makapunta sa langit at ikaw ay nililinis mula sa anumang natitirang karumihan sa iyong kaluluwa na maaaring maging hadlang sa iyo upang maging nasa ganap na presensya ng Diyos.

 

Paniniwala #12: Komunyon ng mga santo, ang makalangit na bulwagan ng katanyagan

Naniniwala rin tayo sa pakikiisa ng mga santo. Ang ating Diyos ay hindi isang malupit na ama na ayaw nyang nakikipag-usap ka sa iyong mga kapatid, sa iyong ina, o sa sinuman sa iyong pamilya at siya ay nagagalit kapag nakipag-usap ka sa iba maliban sa kanya. Ito ay isang napaka-karaniwang mentalidad ng mga anti-Katolikong Protestante, at lubusan namin itong pinapabulaanan. Para sa mga Katoliko, ang langit ay isang pamilya. Lahat tayo ay bahagi ng katawan ni Kristo. Lahat tayo ay bahagi ng pamilya ng Diyos. Binanggit sa Hebreo 12, na napapaligiran tayo ng napakaraming saksi. Ang mga tao sa langit na patuloy na nagmamasid sa atin at patuloy na sumusuporta sa ating kabanalan ay ang mga santo. Patuloy silang nananalangin para sa atin na makarating din sa langit katulad ng kanilang ginawa.

Upang gawing mas naaayon ito sa panahon ngayon, halos sila ay parang makalangit na bulwagan ng katanyagan. Ginawa nila ito nang perpekto. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nagpakita sila ng hindi pangkaraniwang pamumuhay at pambihirang kabanalan. Gumawa sila ng mga bagay na tila kakaiba at imposibleng gawin. Hinarap nila ang lahat ng pagsubok. Hinarap nila ang mga pag-uusig. At kaya, para sa atin, sila ay talagang mga  taga-bulwagan ng Katanyagan. Sila ay mga tao na nais nating tularan. Sa mga Taga-Corinto, sinasabi ni Pablo, tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Kristo. At ganoon din ang sitwasyon sa lahat ng mga santo. Mayroon tayong isang buong hukbo ng mga kapatid na nasa langit. Hindi ito kinakikitaan ng mga katoliko bilang kompetisyon kay Hesus. Sa katunayan, ito ay kabaligtaran. Lahat tayo ay nananalangin para sa isa’t isa. Lahat tayo ay nagmamahalan, at tayo ay isang pamilya. At iyan ang ibig sabihin ng katawan ni Kristo (1 Corinto 12:12-27, Hebreo 12:1, Efeso 5, atbp.)

Tulad ng nabanggit, ang mga santo ay maaaring manalangin para sa atin at ang kanilang mga panalangin ay makapangyarihan dahil ang panalangin ng matuwid ay higit na mabisa sa Diyos, tulad ng sinasabi sa Santiago 5:16 na ang mga santo ay ganap na matuwid sa katuwiran ni Kristo. Kapag tayo ay pumunta sa langit, tayo ay magiging ganap na perpekto sa parehong paraan.

 

Paniniwala #13: Ang Banal na Birheng Maria

Naniniwala rin tayo na si Maria, ang ina ni Hesus, ay bukod na pinagpala ng Diyos. Ang lahat ng pagpili ng Diyos ay perpekto. Pinili ng Diyos na dalhin ang kaligtasan sa mundong ito sa pamamagitan ni Maria. Pinagpala siya sa isang natatanging paraan. Sa katunayan, sa Lukas 1:28, siya ay binati ng anghel, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos.” Kapag bumati ang Diyos o ang kanyang mga mensahero sa Bibliya, ipinapakita nila ang kanilang lakas o ang kanilang ministeryo.  Ngunit si Maria ay pinuri bilang puno ng grasya, na nangangahulugang siya ay pinabuti sa biyaya ng Diyos. Pinabuti ng Diyos si Maria upang siya ay ganap na makapagdala ng anak ng Diyos at upang siya ay maging isang tabernakulo para sa kanyang makalangit na kadakilaan.

Ngayon, pagdating sa Kalinis-linisang paglilihi, na nangangahulugang siya ay ipinaglihi nang walang kasalanan, ito ay walang kinalaman kay Maria. Si Maria ay isang nilikha at tulad ng sinabi ni San Louis de Montfort sa simula ng kanyang aklat tungkol sa pagtatalaga kay Maria, si Maria ay walang kabuluhan kung wala ang Diyos. Siya ay halos alikabok o dumi kumpara sa Kanyang walang hanggang karunungan. Lahat ng mayroon si Maria, kasama na ang pagiging Reyna ng langit at lupa, ay isang biyaya at isang regalo ng Diyos na walang pangangailangan kay Maria at hindi pa rin nangangailangan ng Maria hanggang ngayon, ngunit pinili si Maria bilang bahagi ng kanyang plano upang dalhin ang kaligtasan sa mundo.

Itinaas at pinarangalan ng Diyos si Maria at ang kanyang kalinis-linisang paglilihi ay walang kinalaman sa kanya at lahat ng may kinalaman kay Hesus. Si Hesukristo ay walang hanggang Banal kaya maagang inihanda ng Diyos ang kanyang tabernakulo upang maipanganak niya nang walang kasalanan ang walang kasalanang Anak ng Diyos.

Ngayon, sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na para parangalan ang Diyos, dapat nating parangalan ang mga pinararangalan ng Diyos at pinagpapala ang mga pinagpapala ng Diyos. Pinarangalan ng Diyos si Maria at pinagpala siya ng Diyos. Sinasabi sa Lucas 1:48 na “lahat ng salinlahi ay tatawagin akong mapalad”. Napakaraming tao ang hindi nakakaunawa sa ating debosyon kay Maria at nalilito ang mga ito sa pagsamba. Akala nila na tayo ay sumasamba kay Maria o sinusubukang maligtas sa pamamagitan niya at wala nang mas malayo pa sa katotohanan kaysa sa mga ganitong pahayag.